Here's Diane's prepared speech (talumpati) which was inspired by this blog (read more here). :) How amazing. After composing one focusing on the RH Bill, she decided she wanted to talk about something that has inspired and moved her, which is, our honor to say, OUR BLOG. :) Her final score? 99%! Yahoo!
It's thought-provoking and passionate. Read on :)
Magandang umaga sa lahat.
Narito ako upang maglahad kung ano ang nagiging kahulugan ng "maganda" sa ating lipunan.
Kung makakakita kayo ng ganitong mga tao sa daanan, anong papasok sa utak niyo? (Matabang babaeng naglalakad, maitim na bata na tumatawa, pandak na naglalaro.) Anong pinaka-unang maiisip niyo? O, sa madaling salita, anong kutya ang maibabato niyo sa kanila? Dambuhala? Negro? Unano? Pangit? Hindi kaaya-ayang tingnan? At syempre, makokompleto ba 'tong panginginsultong ito kung walang halong paghalakhak at pagtawa sa direksyon nila? Maaring patago at sa isipan mo lang to ginagawa, o maaring sa harap-harapan talaga nila. Pero ganun pa man din, nahusgahan mo na sila.
Wag na tayong magkaila. Hindi na natin maiiwasan ang ganitong mentalidad ukol sa mga katangian ng pisikal na kaanyuan ng mga tao. Dahil naka imprinta na sa ating isipan kung ano dapat ang "maganda" o "katanggap-tanggap" sa ating lipunan.
Sino bang makakapagsabi na ang mga matataba, maiitim, hindi matangkad, pango ang ilong, malapad ang noo, ay magaganda? Wala diba? Dahil ba sa palagay niyo, ang mga matatawag lang nating "gwapo" o "maganda" ay yung mga kabaligtaran ng mga nasabi ko? Yung may magagandang korte ng katawan, matatngkad, matangos ang ilong, perpekto ang mukha? Bakit? Nakasulat ba ito sa Saligang Batas? O sa Bibliya? O sa mga agham at matematika? Sino bang makakapagsabi kung sino talaga ang maganda? Sino bang nagbigay ng listahan kung sino ang pwedeng matawag na maganda? At sino ka rin ba, para makapagsabi kung ano dapat ang "maganda" kung ikaw mismo ay may sariling kakulangan?
At kung tatanungin kayo, sa'n nga ba nagsimula itong lahat? Media. Naisip niyo man to o hindi, ang media ang nagiimpluwensiya ng pinakamalaki sa kung ano ang dapat katangian at karakteristik ng isang tao. Ang media ang naglalabas ng iba't ibang produktong pampakinis ng balat, pampaputi ng ngipin, mga slimming pills, gamot na nagpapatangkad, mga injectibles na nagpapalaki ng mga puwet, ng mga mga bisig at kung anu-ano pa. At ano nga ba ang nagagawa nito sa atin? Maliban sa pansamantalang pagbago nito sa ating kaanyuan, ano pa nga ba ang ginagawa nito sa atin? Ito ay unti-unting sumisira sa pagtingin natin sa ibang tao, at pati na rin sa ating sarili. Ito ang nagdidikta kung paano dapat tayo magmukha at mamuhay.
Sino bang nagsabi na kailangan natin 'tong mga bagay nato para mas umunlad sa buhay? Sino bang nagsabi na kung ano tayo ay kulang pa? Sino bang nagsabi na kailangan nating tumulad sa mga perpektong imahe na isinusupalpal sa atin ng media?
Pero naisip niyo ba kung bakit walang humpay na naglalabas ang media ng iba't ibang mga produkto? Naisip niyo ba kung bakit walang tigil sa paggawa ng mga produktong sinasabiy nagdedevelop sa atin? Dahil ang mga tao ay walang humpay ring tumatangkilik nito. Ang mga tao na isinusubo lahat ang pinapakain ng media ang nagpapalakas rito. At hanggang hindi tumitigil ang ganitong proseso, hindi rin titigil at maiaayos ang mababa mong pagtingin sa kapwa mo. Kasi kung gaano kababa ang pagtingin mo sa iba, ganun rin kababa ang turing mo sa iyong sarili.
Kung naging pare-pareho tayong lahat. Lahat nakaayon sa kung ano ang idinidikta ng media sa atin, ano pang kahulugan ng pagiging unique natin sa isa't isa? Ano pang saysay ng paggawa ng Diyos sa atin na magka iba-iba? Kung itong lahat na ito ay atin lang palang babaguhin at iaayon para tayo ay matanggap sa ating lipunan?
Thank you so much for this, Diane! So proud of you! :)